Friday 30 September 2016

'PANGARAP NA BITUIN'
Rey Jorca Supranes

Sa aking paglabas sa aming veranda
Dama ko ang pagdampi ng malamig na hangin sa aking buong katawan
Hangin na nagpabalik-tanaw sa mga ala-ala ng nakaraan
Parehong simoy ng hangin na aking nilanghap habang ako ay may iniinda.

Habang patuloy akong binabalot ng lamig ng hangin
Tumingala ako sa kalawakan
Mga nagkikislapang bituin ay pinagmasdan
Parang mga pangarap na kay hirap abutin.

Sa bawat nasilayang mga bituin
Isa-isang itinalaga ang bawat pangarap
Mga pangarap na naabot na at pangarap na isasakatuparan pa
Humiling na sana'y ang ihip ng hangin ay lumakas pa
Upang bumaba ang mga bituin sa kanilang kinalalagyan.

Dininig ng langit ang hiling.
Nakikita kong unti-unting bumababa ang mga bituin.
Makislap at nagniningning.
Nakakasilaw ang kanilang tanglaw,
Na parang pumupukaw.

Pinilit kong idilat ang aking mga mata
Upang sungkitin ang mga nagbaba-ang bituin
Subalit ang kaya ko lang saluhin
Ay mga pangarap na naisakatuparan na.

Inilatag ko ang mga nakuhang bituin
Habang ang mga pinapangarap na bituin ay nagkikislapan pa rin
Nagsisilbing ilaw sa gabing madilim
Upang patuloy kong mapagsama-sama
Ang mga napatagumpayang mga bituin.

Tumambad sa akin ang kanilang pagporma
At doon ko lang nasilayan
Ang kanilang tunay na ganda.
Animo'y nagsasabing
H'wag akong mawalan ng pag-asa.

Nang ang kapayapaan at lakas ng loob ay biglang naramdaman,
Unti-unting umaakyat sa langit ang mga pinangarap na bituin
At may hinahabilin.
Marami pa akong dapat gawin,
Upang sila ay tuluyang sungkitin.



No comments:

Post a Comment