Sunday 19 July 2015

"SANA"
Rey Jorca Supranes
Kapag nasasambit ang salitang "Sana" may karugtong itong pagnanais na baguhin kung ano man ang nasa kasalukuyan. Sa salitang "Sana" naikukubli ang mga hinagpis, nadudugtungan ang inaakalang patay na pag-asa, naisasambulat ang mga nais mangyari sa buhay, inuudyukan ang pag-iisip na maglikha ng mundo na kakaiba sa gingalawan.
"Sana" ang nagpapatunay na tayo ay hindi kuntento sa kung ano meron tayo. Ito rin ang nagsasalarawan ng ating mga hinaing sa buhay at nagbibigay pag-asa na ang isang imposible ay magiging posible.
Matagal ko ng gustong pasukin at lubusang kilalanin si "Sana." Nais ko siyang kaibiganin nang sa gayun ay maintindihan kung ano ang kanyang mga perspektibo at layunin para sa sangkatauhan partikular para sa aking sarili.
Hindi ko alintana na si "Sana" ay halos kasabay ko pala sa aking paglaki at pag-unlad ng aking pag-iisip. Si "Sana" ang unang naging baytang ng hagdan sa bawat pangarap na naisakatuparan. Si "Sana" din ang nagpalapit ng aking pagtanaw sa "balang araw."
Si "Sana" ang nagpapa-alab sa puso't isipan bago marating ang paglawak ng imahinasyon. Marahil halos lahat tayo ay nagbibigay kapangyarihan kay "Sana" na yakapin ang ating buong pagkatao upang minsang maranasan kung paano lumipad sa kalawakan. Nagsisilbing pakpak ng buhay upang magpursige na ang kasalukuyang katayuan o nararamdaman ay mababago sa takdang panahon.
Kay "Sana" ko rin naintindihan kung paano humugot ng lakas ng loob at ipagpatuloy ang mga nasimulang pangarap upang hindi na ito "SANA" na lang hanggang sa dulo.


No comments:

Post a Comment